--Ads--

Idineklarang unconstitutional o labag sa batas ng korte suprema ang mga inihaing articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa isang special en banc session nitong Biyernes, Hulyo 25, inianunsyo ng Korte Suprema ang desisyon nito kaugnay ng mga petisyong humihiling na ibasura ang impeachment complaints laban kay VP Duterte.

Ayon kay Supreme Court spokesperson Camille Ting, ibinasura ang impeachment complaints dahil sa paglabag sa due process.

Malinaw aniya sa isinasaad ng 1987 Constitution na hindi maaaring maglunsad ng impeachment proceedings laban sa parehong opisyal nang higit sa isang beses sa loob ng isang taon.

--Ads--

“The SC has ruled that the House impeachment complaint versus VP Sara Duterte is barred by the one-year rule and that due process or fairness applies in all stages of the impeachment process,” ani Ting.

Dagdag pa niya, ang Senado ay hindi maaaring magkaroon ng hurisdiksyon sa mga reklamong ipinasa sa paraang labag sa konstitusyon.

Nilinaw rin ng Korte Suprema na hindi nito nililinis si VP Duterte sa mga akusasyong ibinabato laban sa kaniya, ngunit binigyang-diin na ang anumang susunod na impeachment complaint ay maaari lamang ihain simula Pebrero 6, 2026.