Tila mayroon umanong judicial overreach sa panig ng Korte Suprema dahil sa biglaang pakikialam nito sa Senado hinggil sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte kung kailan ginagampanan na nito ang tungkulin bilang Senate Impeachment Court.
Ito ang inihayag ng isang legal expert matapos ideklara ng Supreme Court na unconstitutional o labag sa batas ang inihain na articles of impeachment ng mababang kapulungan ng Kongreso laban sa pangalawang pangulo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo “Egon” Cayosa, dating pangulo ng Integrated Bar of the Philippines, sinabi niya na nakakapagtaka ang timing ng SC sapagkat nakapag-convene na ang Senado bilang impeachment court bago pa ianunsiyo ng SC ang kanilang desisyon.
Ayon kay Atty. Cayosa, kapag malinaw na ang isang kaso ay nasa ilalim ng prerogative ng isang branch ng pamahalaan ay hindi dapat ito pinakikialaman ng judiciary sapagkat pwede lamang nitong pakialaman ang gawain ng co-equal branch of Government kung mayroong grave abuse of discretion.
Nilinaw din niya na hindi pasok sa one-year bar rule ang naturang impeachment case sapagkat hindi naipasa ng House of Representatives sa Committee on Justice ang naunang tatlong kaso laban sa pangalawang pangulo.
Ang impeachment ay hindi lamang aniya isyu ng mga opisyal ng gobyerno dahil isyu ito ng taumbayan lalo na at seryoso ang mga paratang laban sa pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa kaya mahalaga na malaman ang katotohanan sa pamamagitan ng due process.
Gayunpaman, desisyon pa rin ng Senado kung susundin nila ang ruling ng SC o kung ipagpapatuloy pa rin nila ang trial.










