--Ads--

Tinupok ng apoy ang isang kotse sa Purok 7, Barangay Tagaran, Cauayan City, Isabela bandang alas-7 hanggang alas-8 ng gabi nitong Mars0 30.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Daniel Acob ng nasabing barangay, sinabi nitong bigla na lamang umanong nagliyab ang kulay pulang sasakyan habang pansamantalang huminto ang mag-asawang sakay nito upang bumili sa isang tindahan.

Ayon sa paunang pagsusuri, posibleng sanhi ng insidente ang short circuit sa wiring ng sasakyan, na pinaniniwalaang luma na at hindi pa napapalitan simula nang mabili ito bilang second-hand unit.

Bagama’t may ginagawang kalsada sa nasabing lugar, nilinaw ng opisyal na hindi ito ang direktang dahilan ng sunog, bagama’t aminadong lubak-lubak ang daan na maaaring nakaapekto sa kondisyon ng sasakyan.

--Ads--

Ganap na nawasak ang naturang kotse, kabilang na ang makina na tuluyang natunaw, at tinatayang aabot sa ₱150,000 ang halaga nito noong binili. Nabatid rin na tatlong buwan pa lamang itong pinapakinabangan ng may-ari.

Agad namang rumesponde ang Bureau of Fire Protection (BFP) ngunit mahina na ang apoy pagdating ng mga ito at nagsagawa na lamang ng final checking. Sa kabutihang-palad, ligtas ang mag-asawa na sakay ng sasakyan dahil nakababa sila bago pa lumala ang sunog.

Samantala, nanawagan si Acob sa publiko na tiyaking maayos ang kondisyon ng kanilang sasakyan bago bumiyahe upang maiwasan ang kaparehong insidente.