--Ads--

Isang aksidente ang naitala ngayong umaga sa bahagi ng Barangay Macalaoat, Cabatuan, Isabela. Ito ay matapos na isang kotse ang nahulog sa irrigation canal matapos umanong sundan ang isang GPS navigation app.

Ayon sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula kay Kagawad John Benson Lagmay, galing Cavite ang dalawang sakay ng kulay silver na kotse at patungo sana sa bayan ng San Mariano, Isabela.

Gumagamit umano ng Waze ang driver, isang GPS navigation application, dahil hindi niya kabisado ang daan habang naghahanap ng hotel na maaari nilang matuluyan. Subalit sa halip na hotel, sa irrigation canal sila dinala ng sinusundang mapa.

Naging maagap ang pagtugon ng mga kinauukulan at nagtulong-tulong katuwang ang ilang barangay officials at PNP upang maiahon ang kotse mula sa tubig.

--Ads--

Mapalad namang walang nasaktan sa aksidente.