
CAUAYAN CITY – Nasaktan ngunit ligtas na nakalabas ang limang sakay ng isang kotse na nahulog sa irrigation canal sa Divisoria, Santiago City.
Ang tsuper ng kotse ay si Jayson Culilon, 35 anyos, may asawa at residente ng Barangay San Antonio, San Mateo, Isabela.
Sa imbestigasyong isinagawa ng Traffic Group, binabagtas ng kotse ang daan patungong San Isidro, Isabela ngunit nang makarating sa pakurbang bahagi ng daan ay nasilaw umano ang tsuper sa ilaw ng kasalubong na sasakyan.
Nawalan ng kontrol sa manibela si Culilon at dumiretso sa irrigation canal sa nasabing lugar.
Nagtamo ng malaking pinsala ang sasakyan habang ang mga sakay ng kotse na sina Allan Calibuso, 45 anyos, Rommel Malibog, 14 anyos, Ricky Malibog, 21 anyos at Rodel Allam, 21 anyos, pawang residente San Mateo, Isabela ay nasaktan ngunit hindi nasugatan sa nasabing pangyayari.
Hinihinalang nakainom ng alak ang mga lulan ng kotse.










