Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na sila’y inatasan ng Office of the Ombudsman na magsagawa ng imbestigasyon laban sa 18 indibidwal na nagpakilalang mga dating sundalo, at naglabas ng mga pangalan ng ilang opisyal na umano’y tumanggap ng kickback mula sa flood control projects.
Ayon kay Bureau of Investigation Director Atty. Melvin Matibag, dineputy sila ng tanod-bayan upang suriin ang kredibilidad ng mga nabanggit. Bagama’t may inisyal nang pagsusuri, titingnan pa rin ng ahensya ang background at pagkatao ng mga indibidwal.
Giit ng opisyal na kinakailangang maberipika o ma-validate ang mga nag-aakusang indibidwal bago tuluyang imbestigahan ang mga pinangalanang sangkot sa korapsyon.
Tiniyak din ng NBI na hindi isasantabi ang iba pang alegasyon laban sa mga opisyal na nakatanggap umano ng maliliit na halaga ng pera. Lahat ng anggulo ay sisiyasatin, ngunit prayoridad nilang maimbestigahan muna ang naturang grupo na binubuo ng mga dating sundalo.











