--Ads--

Tinupok ng apoy ang isang kuwarto ng bahay sa Barangay Rizal, Santiago City nitong Pebrero 4, 2026.

Naninirahan sa naturang bahay si Marissa Teruel, 49 taong gulang, isang single mother na may apat na anak.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Teruel, inutusan umano niya ang kanyang 18-anyos na anak na babae na magtapon ng natirang baga ng katol sa kanilang kuwarto. Sinabihan umano niya ito na siguraduhing patay na ang baga bago ito itapon. Gayunman, inakala ng ginang na itinapon ito sa labas ng bahay, subalit nailagay pala sa trash bin sa loob ng kanilang kuwarto.

Makalipas ang halos isang oras matapos siyang umalis ng bahay upang magtrabaho sa barangay hall, ipinaalam sa kanya ng kanyang pamangkin na nasusunog na ang kanilang bahay.

--Ads--

Pagdating niya sa kanilang tahanan, naapula na ang apoy subalit nasunog na ang lahat ng gamit sa kuwarto, kabilang ang tatlong drawer box at dalawang electric fan. Tanging isang kama na lamang ang hindi nadamay sa sunog.

Aniya, mabuti na lamang at agad na rumesponde ang kanilang mga kapitbahay kaya mabilis na naapula ang sunog at hindi na ito kumalat pa sa buong bahay.

Nagpasalamat naman ang ginang na hindi tuluyang natupok ang kanilang bahay at maaari pa rin itong tirahan.

Sa ngayon, may natatanggap na silang tulong mula sa kanilang mga kaibigan. Nananawagan naman ang ginang sa mga nais magbigay ng kahit kaunting tulong upang maipaayos ang mga nasirang kagamitan pangunahin na ang kable o wirings ng bahay.

Maaari aniyang idaan ang tulong sa Barangay Hall ng Rizal, Santiago City kung saan siya nagtatrabaho, o kaya’y direktang ipadala sa kanilang bahay na matatagpuan sa Obra Compound, Purok 6, Barangay Rizal, Santiago City.