--Ads--

Inihayag ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na isang “panandaliang” La Niña ang nabuo sa Tropical Pacific.

Sa pahayag ni Pagasa Administrator Nathaniel Servando, sinabi niyang magtatagal ang La Niña hanggang sa unang kwarter ng susunod na taon.

“Batay sa kasalukuyang kondisyon ng dagat at atmospera, nabuo na ang La Niña sa tropikal na Pasipiko. Mula Setyembre 2025, nagsimulang bumaba ang temperatura ng dagat sa gitna at ekwatoryal na Pasipiko at lalo pang bumaba noong Nobyembre, umabot sa antas ng mahinang La Niña. Ayon sa pinakahuling forecast, malamang na magpatuloy ito hanggang sa unang kwarter ng 2026,” ani Servando.

Ipinaliwanag ng Pagasa na umiiral ang mahinang La Niña kung may isang-buwang sea surface temperature anomaly (SSTA) na -0.5 degrees Celsius o mas mababa, at inaasahang makakamit ang tatlong-buwang SSTA (Oceanic Niño Index) na -0.5 C o mas mababa.

--Ads--

“Malamang na magpatuloy ang La Niña hanggang sa Disyembre 2025 hanggang Pebrero 2026, ayon sa ilang climate models.”

Dahil dito, mas mataas ang tsansa ng labis na pag-ulan sa nasabing panahon na maaaring magdulot ng pagbaha, flashfloods, at mga landslide. Bukod pa rito, inaasahan ang mas mataas na posibilidad ng tropical cyclone activity sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ipinaalala ng Pagasa na ang La Niña ay karaniwang nagdudulot ng mas maraming ulan sa karamihan ng bahagi ng Pilipinas tuwing huling kwarter ng taon at unang buwan ng susunod na taon.