Muling nabuksan ang sugat ng mga Novo Vizcayano hinggil sa usaping pagmimina sa kanilang lalawigan matapos ang balitang pansamantalang pinahintulutan ng korte ang pagpasok ng Woggle Corporation sa isang mining exploration site.
Bagama’t nilinaw ni Gobernador Jose Gambito na wala sa kanyang kapangyarihan ang magbigay ng pahintulot sa nasabing operasyon, hindi maikakailang ang paglagda sa certificate of posting ay nagbigay ng impresyong tila may basbas mula sa pamahalaang panlalawigan.
Ang mga mamamayan, partikular na ang mga anti-mining advocates, ay may sapat na dahilan upang ipahayag ang kanilang pagtutol. Ang kasaysayan ng pagmimina sa Nueva Vizcaya ay puno ng pang-aabuso sa kalikasan, pagkawala ng kabuhayan ng mga lokal, at pagkasira ng lupain. Kaya naman hindi na nakapagtataka ang kanilang agarang pagkilos upang ipaglaban ang kanilang karapatan sa lupa at kalikasan.
Dapat igalang ng mga korte at ng pamahalaan ang karapatang ito. Ang paglalagay ng barikada ng mga mamamayan ay isang porma ng mapayapang protesta. Ang paglalabas ng Temporary Restraining Order laban sa mga nagpoprotesta ay tila isang tahasang pagsikil sa karapatang ito.
Sa kabila nito, nilinaw ni Gobernador Gambito wala sa kanya ang kapangyarihang aprubahan o ipagbawal ang pagmimina. Isa lamang siyang tagapagdala ng dokumento, na ayon sa kanya, bahagi ng tinatawag na ministerial duty. Tiniyak naman niya na iniimbestigahan na nila ito.
Ang ganitong sistema ay dapat pa rin nating kuwestyunin. Bakit may mga prosesong hindi isinasaalang-alang ang kapakanan ng lokal na komunidad? Bakit tila mas madali para sa mga kumpanya ang makakuha ng permit kaysa sa mga mamamayan na marinig ang kanilang boses?
Sa ngayon, nasa kamay ng pambansang pamahalaan ang kapalaran ng lupain ng Nueva Vizcaya. Ayon sa Gobernador, naiparating na ito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Subalit hindi sapat ang pag-antay lamang sa tugon ng Malacañang. Kailangan dito ang pagkilos ng pamahalaang panlalawigan. Dapat ding mas lalo pang paigtingin ng mga mamamayan ang kanilang panawagan at panindigan ang kanilang karapatan.
Ang lalim ng usaping ito ay hindi basta natatapos sa teknikalidad ng mga papeles. Ito ay usapin ng karapatan, karapatang mabuhay sa isang malinis na kapaligiran, karapatang magpasya para sa sarili nilang lupa, at karapatang magsalita, magprotesta, at manindigan.
Tunay na ang kapalaran ng lupain ng Nueva Vizcaya ay tila nasa kamay ngayon ng pambansang pamahalaan. Ngunit ang pananagutan ay hindi dapat lamang nakaatang sa Malacañang. Dapat may aktibong papel ang lokal na pamahalaan. Hindi sapat ang pagdadala ng dokumento, kinakailangan ng paninindigan.
Ito ay laban ng bayan. At ang boto ng sambayanan ang tunay na may kapangyarihan. Sa usaping ito, malinaw ang kanilang pasya: TUTOL SILA SA MAPANIRANG PAGMIMINA.
Mahalagang banggitin na ang pagmimina ay hindi labag sa batas. Sa katunayan, ito ay kinikilala bilang lehitimong industriyang maaaring makatulong sa ekonomiya ng ating bansa, nakapagbibigay ito ng trabaho, kita sa pamahalaan, at raw materials para sa iba’t ibang sektor. Ngunit ang katotohanang ito ay hindi natin dapat gawing dahilan upang ipagsawalang-bahala ang mas malalim na epekto nito, lalo na kung isinasagawa ito sa paraang mapanira at hindi isinasaalang-alang ang kapakanan ng lokal na komunidad.
Hindi ipinagbabawal ang pagmimina, pero dapat itong gawin sa responsableng pamamaraan, isang konseptong madalas sinasabi ngunit bihira namang naisasakatuparan. Ano ang saysay ng legalidad kung ang epekto naman ay pagkawasak ng kagubatan, pagkasira ng tubig, at pagpapalayas sa mga katutubo mula sa sarili nilang lupa? Kung legal nga ito, ngunit labag sa prinsipyo ng katarungan at makataong pamumuhay, hindi ba’t dapat itong tutulan?
Hindi sapat na ito’y “legal.” Dapat ay makatarungan, makatao, at makakalikasan ang lahat ng industriyang pinahihintulutan sa ating bayan. Sa kaso ng Nueva Vizcaya, malinaw ang sentimyento ng mga mamamayan, ang kanilang karanasan sa pagmimina ay hindi pag-unlad kundi pagkasira.
Ang tunay na sukatan ng kaunlaran ay hindi ang dami ng permit na inaprubahan kundi ang kalidad ng buhay ng mga mamamayang apektado nito. Kaya’t kung ang legal na pagmimina ay nagdudulot ng ilegal na pagwasak sa kalikasan at kabuhayan, dapat itong muling suriin hindi lamang sa papel kundi sa mata ng hustisya at konsensya.











