--Ads--

Nakatakdang iuwi sa kanyang pamilya ang isa sa kasapi ng NPA na mula pa sa Mindanao matapos mapag-alamang kasama ito sa walong nahukay na bangkay sa barangay Canadam, Maconacon, Isabela noong July 2022.

Ito ang labi ni Eliezer Geraldez Bulaybulay alyas ‘Dondon’ ng Barangay Kawayanon, Makilala, North Cotabato na namatay dahil sa gutom na epekto ng sunud-sunod na focus military operations at combat pressure sa kampanya ng pamahalaan laban sa insurhensiya sa bayan ng Maconacon.

Una rito, dumulog sa 95th Infantry Battalion ang kapatid ni alyas ‘Dondon’ upang tiyakin ang balitang natanggap mula sa dating nakasama ng kanyang kapatid sa kilusan na naunang nagbalik loob sa pamahalaan.

Agad namang tumugon ang 95IB at nakipag-ugnayan sa pamahalaang bayan ng Maconacon para sa pagproseso ng pagkuha sa mga labi ni alyas Dondon.

--Ads--

Nagsagawa ng Press Conference kahapon ang 5ID hinggil sa pag-uuwi sa mga labi nito.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa kapatid ng nasawing rebelde na si Alyas Dandan sinabi niya na taong 2016 nang pumasok ang kanyang kapatid sa NPA sa Makilala North Cotabato bilang Team Leader ng front 72 Far South Mindanao Region (FSMR) hanggang sa hindi na nila nakita at nakausap pa.

Batay sa kwento ng mga naging kasama nito noong taong 2017 nang magtungo sa Maynila si alyas ‘Dondon’ at naatasan na dumugtong sa Regional Sentro De Gravidad sa pagitan ng Aurora-Quirino sa ilalim ni Rosalio Canlubas o Ka Yuni na pinuno ng RSDG na nasawi rin sa isang engkwentro sa San Guillermo, Isabela.

Nito lamang July 2022, magkakasunod na nahukay ang walong labi ng NPA na kinabibilangan nina alyas Eloy, Bryan, Marco, Brad, Monmon, Bambo at Dondon na inihukay na lamang ng kanilang mga kasama matapos bawian ng buhay dahil sa pagkakasakit at dinanas na matinding gutom.

Batay sa pahayag ng kanilang mga kasama na nagbalik-loob sa pamahalaan, buwan ng Marso 2022 nang sunud-sunod silang namatay.

Ang mga labi ni alyas ‘Bryan’ na tubong Cavite ay nakuha na rin ng kanyang pamilya noong September 2022.

Aniya anim na taon nilang hindi nakita ang nakababatang kapatid at hindi nila lubos akalain na bangkay na nila itong makikita.

Masakit din ang kanyang loob dahil binalot lamang sa duyan ang labi ng kanyang kapatid saka ito inilibing.

Lubos naman nagpapasalamat ang pamilya ni alyas ‘Dondon’ dahil sa wakas ay maiuuwi na nila ang mga labi niya at mabigyan ng maayos na libing sa kanilang lugar.

Sa kabila nito, hinimok ng kapatid ni alyas’ Dondon’ na bumaba na ang iba pang miyembro ng NPA dahil wala namang maidudulot na mabuti ang kanilang pakikibaka sa pamahalaan.