
CAUAYAN CITY – Narekober ng 17th Infantry Battalion Phil. Army ang labi ng isang babaeng kasapi ng New People’s Army o NPA sa Sinundungan Valley partikular sa Barangay Masi, Rizal, Cagayan.
Sa pinagsanib na pwersa 17th Infantry Battalion, 502nd Infantry Brigade at PNP ay nahukay ang labi ni Brenda Antonio o Alyas Michelle isang Agta na residente ng Lasam Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lt. Lucky Marc Borres ang Civil Military Operations Officer ng 17th IB sinabi niya na batay sa mga pahayag ng isang former rebel, si Alyas Michelle ay hinihinalang nasawi matapos mabagsakan ng puno sa kasagsagan ng bagyo noong Disyembre 2021 sa Rizal, Cagayan.
Aniya basta na lamang inilibing at iniwan ng kaniyang mga kasamahang miyembro ng Komiteng Probinsya Cagayan sa ilalim ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley ang bangkay ni Michelle.
Batay na sa mga nakuha nilang impormasyon si alyas Michelle ay dalawang taong naging kasapi ng NPA matapos siyang piliting sumampa sa armadong grupo ng Partido Kumunista ng Pilipinas at pinangakuan ng magandang buhay.
Sa ngayon, ang mga labi ni Alyas Michelle ay maayos na dinala at naipasakamay sa mga awtoridad para mabigyan ng disenteng libing gayundin na mapagbigyan ang hiling ng pamilya na masilayan siya sa huling pagkakataon bago ilibing.
Samantala ang pagkakahukay sa labi ni Alyas Michelle ang siyang pagkakadiskubre sa arms cache o imbakan ng armas ng rebeldeng grupo.
Kabilang sa mga nahukay sa Sitio Lanay Barangay Sta. Margarita, Baggao, Cagayan ang dalawang generator, limang pirasong rifle grenade, dalawang piraso ng blasting cap at iba pang gamit ng rebeldeng grupo.
Ang matagumpay na operasyon ay dahil sa tulong ng dalawang dating miyembro ng teroristang grupo na sina alyas “Renz” at alyas “Fernando” matapos nilang isiwalat ang kinaroroonan ng mga nakumpiskang armas at kagamitan.
Ang mga armas at pampasabog ay kasalukuyan nang nasa pangangalaga ng Provincial Explosive and Canine Unit Cagayan habang ang mga ibang narekober na kagamitan ay nasa kustodiya naman ng PNP Baggao para sa kaukulang imbestigasyon at dokumentasyon.
Inihayag ni Lt. Borres na batay sa kanilang monitoring aabot na lamang sa anim ang nalalabing regular member ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley at hindi sila titigil sa pagtugis sa mga ito bilang bahagi ng mas pinaigting na anti-insurgency campaign ng Militar at PNP kasabay ng patuloy na paghikayat sa mga rebeldeng magbalik loob na sa pamahalaan at bitawan ang armadong pakikibaka.










