--Ads--

Inaasikaso na ang labi ng Overseas Filipino Worker (OFW) na nasawi sa sunog sa Hong Kong upang maiuwi na ng Pilipinas.

Matatandaan na nitong November 26 ay sumiklab ang sunog sa Hong Kong high-rise residential complex na kumitil ng buhay ng mahigit 140 katao na kinabibilangan ng OFW na si Mary Ann Pascual Esteban, tubong Jones, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Maribel Bueno, kapatid ng biktima, sinabi niya na hindi pa nila matukoy  kung kailan mai-uuwi sa bansa ang labi ng kaniyang kapatid subalit maaaring ito ay sa loob pa ng dalawa hanggang tatlong Linggo.

Personal namang bumisita sa kanilang tahanan sina Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Patricia Yvonne Caunan at nangakong magpapaabot ng tulong sa naulilang pamilya ng biktima pangunahin na sa anak nitong lalaki na 10-anyos pa lamang.

--Ads--

Aniya, sa social media lamang nila nalaman na kabilang ang kaniyang kapatid sa mga biktima nang mayroong mag-share online na siya ay nawawala kasama ng kaniyang alaga matapos sumiklab ang naturang sunog.

Nakumpirma naman ito sa pamamagitan ng kanilang kapatid na nagta-trabaho rin sa Hongkong na siya namang nag-aasikaso sa labi nito roon.

Ayon kay Maribel, masaya pa silang nag-uusap online ng kaniyang kapatid na si Mary Ann noong Martes ng gabi (November 23) dahil nakatakda sana itong umuwi ng Pilipinas ngayong Disyembre para rito magdiwang ng pasko at bagong taon.

Masakit man para sa kanilang pamilya ang pangyayari ay nangako pa rin si Maribel na hindi nila pababayaan ang naulila nitong anak.