CAUAYAN CITY- Naiuwi na sa kanilang tahanan ang labi ng isang sundalo na namatay matapos pagbabarilin ang mga ito ng hindi pa matukoy na bilang ng Local Terrorists Group (LTG) habang nagsasagawa ng military checkpoint operation sa Datu Salibo, Maguindanao Del Sur nitong Hunyo 21, 2024.
Sa panayam kay Major Rigor Pamittan, Chief ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division Philippine, Army aniya na ang namatay na sundalo ay si Private Rosendo Gannaban, isang Startrooper mula sa 99th Infantry “Makabayan” Battalion (99IB) at mula sa bayan ng Enrile, Cagayan.
Emosyonal na sinalubong ng knaiyang pamilya ang labi ng nasawing sundalo bago nagsagawa ng misa at ng bigyan ng Departure Honors si Private Gannaban bago tuluyang iniuwi sa Enrile, Cagayan.
Ayon kay Major Pamittan si Pvt. Gannaban ay wala pang isang taon sa serbisyo dahil Setyembre 2023 lamang ito naging ganap na miyembro ng kasundaluhan.
Personal naman na binisita ni MGen Gulliver L. Señires, Commander ng 5th Infantry Division ang tropa sa Maguindanao at siya mismo ang nag-uwi sa labi ni Pvt. Gannaban.
Iniabot rin nito ang initial cash assistance para sa mga naiwang pamilya at kaanak ng sundalo.
Samantala, maliban sa cash assistance na una nang naibigay sa pamilya ng nasawing sundalo ay tiniyak din ng pamunuan ng 5ID maibibigay lahat ng kaukulang benepisyo sa kanyang naulilang pamilya.
Patuloy na nagpapagaling sa pagamutan sina Sgt. Jomar Marin at PFC Lexter Lizardo na nasugatan sa naganap na sagupaan.