CAUAYAN CITY – Mainit na sumalubong ang mga opisyal at kawani ng pamahalaan at pribadong sektor sa pagdating umaga ng Sabado ng labi ni yumaong LPGMA Partylist Representative Rodolfo “Rudy” Albano Jr. sa sa Cauayan City Airport.
Kasamang dumating ng bangkay ni Kinatawan Albano ang kanyang mga anak na sina Gov. Rodito Albano at Cong Tonypet Albano.
Pansamantalang ibinurol ang labi ng mambabatas sa session hall ng sangguniang panlalawigan at isinagawa ang misa dakong alas tres ng hapon.
Nagsalita sa eulogy sina Vice Governor Dy, Governor Carlos Padilla ng Nueva Vizcaya, Labor Secreteray Silvestre Bello III, Mayor Jose Marie Diaz ng Lunsod ng Ilagan at Mayor Arnold Bautista ng Tumauini, Isabela at ang nagbibigay ng response ay isa sa mga kasapi ng pamilya Albano.
Nakaburol na ngayon ang bangkay ni Cong. Albano sa kanilang bahay sa Cabagan, Isabela.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Tourism Officer Troy Alexander Miano ng Isabela ay pinuri niya ang mahabang taon ng panunungkulan sa pamahalaan ni Kinatawan Rudy Albano.
Siya ay naging mayor, vice governor, naging assemblyman at maraming beses na nahalal na congressman ng unang distrito ng Isabela at naging House Majority Leader noong panahon ni dating House Speaker Jose De Venecia.
Tinawag ni Dr. Miano na statesman si Cong. Rudy Albano.












