CAUAYAN CITY – Binigyan ng arrival honors ang labi ni yumaong LPGMA Partylist Representative Rodolfo “Rudy” Albano Jr. sa pagdating sa Cauayan City Airport kaninang alas otso ng umaga.
Sumalubong ang mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan, mga opisyal ng Pamahalaang Lunsod ng Cauayan at Ilagan, mga mayor ng ibat ibang bayan at mga empleado ng mga pampubliko at pribadong sektor.
Isasagawa ang misa mamayang hapon at nakatakdang magsalita sa eulogy sina Vice Governor Dy, Governor Carlos Padilla ng Nueva Vizcaya, Labor Secrteray Silvestre Bello III, Mayor Jose Marie Diaz ng Lunsod ng Ilagan at Mayor Arnold Bautista ng Tumauini, Isabela at ang magbibigay ng response ay isa sa mga kasapi ng pamilya Albano.
Ayon kay Mr. Romy Santos, media consultant ng pamahalaang panlalawigan, may sapat na pagkakataon ang mga mamamayan na nais na magbigay-pugay kay kinatawan Albano dahil magdamag na ibuburol sa session hall ng Sangguniang Panlalawigan ang kanyang labi bago dalhin bukas sa kanilang bahay sa Cabagan, Isabela para sa dalawang araw na burol bago ihatid sa kaniyang huling hantungan.
















