--Ads--

CAUAYAN CITY – Labis na nagsisisi  ang 2 naarestong   estudyante   sa isinagawang drug buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)   Region 2 at Cauayan City Police Station sa  San Fermin, Cauayan City.

Ang 2  estudyante na naaresto sa kanilang pinagtatambayan na kubo malapit sa kanilang  eskuwelahan   ay itinago sa mga pangalang  Roy at Popoy,  kapwa 19 anyos.

Si  Popoy   na newly identified  drug personality   ay  graduating student sa kursong Bachelor of Science in Business Administration (BSBA) sa isang private school  sa  Cauayan City.

Ang kasama niyang si Roy ay 2nd year college sa kursong Bachelor of Science  in Education sa   parehong paaralan.

--Ads--

Una rito ay nakatanggap ng impormasyon ang mga otoridad na ang mga suspek ay nagtutulak ng ipinagbabawal na gamot kaya’t isinagawa ang  drug buy bust operation.

Nakumpiska sa pag-iingat ng dalawa ang 3  piraso ng marijuana hashish,  isang cellphone at 600 pesos na drug buy-bust money.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan,  inamin ni Popoy   na nagbebenta siya ng droga ngunit maliit  na halaga lamang  na kinukuha niya  sa isang ring estudyante.

Maluha-luha siyang humingi ng tawad sa kanyang nanay  dahil  posibleng hindi na siya makapagtapos  bunsod ng   kanyang pagkadakip.

Labis ding nagsisisi si Roy at humingi siya ng tawad sa kanyang ama na nagalit at  labis na naghihinanakit  sa pagkakasangkot sa droga ng anak dahil ginawa naman niya ang lahat para maitaguyod ang kanyang pag-aaral.

Sasampahan   ngayong araw  sa piskalya    ang 2  estudyante ng    kasong    paglabag sa Republic Act 9165  (Comrehensive Dangerous Drugs Act of 2002).