
CAUAYAN CITY – Natagpuan na ang katawan ng isang laborer na nalunod habang nangingisda sa Villa Victoria, Echague, Isabela.
Ang biktima ay si Rex Fernandez, 20-anyos, binata, laborer at residente ng nasabing barangay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Michael Esteban, hepe ng Echague Police Station, sinabi niya na dakong alas-siete kaninang umaga nang magtungo ang mga rescue teams ng Echague at nang mga pulis sa lugar kung saan nalunod ang biktima at doon din natagpuan ang katawan nito.
Matatandaang nagkasundong mangisda sa kabila ng masamang lagay ng panahon dulot ng bagyong Ambo ang biktima at kasama nitong si Gody Fernandez, 33-anyos, binata at isa ring laborer.
Sakay ang dalawa sa bangka nang biglang tumaob dahil sa lakas ng agos ng tubig.
Sinubukan pang iligtas ng mga nakakitang mangingisda ang dalawa ngunit hindi na nakita pa si Rex Fernandez.










