CAUAYAN CITY– Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang isang laborer matapos masamsaman ng baril habang nakikipag-inuman kagabi sa isang okasyon sa Zone 3, San Mariano, Isabela.
Ang suspek ay si Jomar Camayang, 37 anyos, may asawa, laborer at residente ng Daragutan West, San Mariano, Isabela.
Siya ay may naunang kasong pagpatay at sumailalim sa probation.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni P/Chief Inspector Fredimar Quitevis, hepe ng San Mariano Police Station na nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen matapos makita na may sukbit na baril si Camayang habang nakikipag-inuman sa mga kaibigan.
Tumugon ang mga pulis sa pangunguna ni P/Inspector Jessie Alonzo, deputy Chief of Police at nasamsam kay Camayang ang isang Cal. 38 baril na may limang bala.
Siya ay inaresto at nang kapkapan ay nakuha pa sa kanyang pag-iingat ang tatlong bala para 9mm na baril.