CAUAYAN CITY – Patay ang isang manggagawa matapos saksakin ng kanyang nakainuman sa Sagat, Cordon, Isabela.
Ang nasawi ay si Ronaldo Shababa, 44 anyos habang ang suspek ay si Rogelio Andaya, 30 anyos na kapwa residente ng nabanggit na lugar.
Batay sa pagsisiyasat ng Cordon Police Station, ang dalawa ay nag-iinuman sa bahay ng suspek nang magkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktima at suspek.
Sinisisi ng biktima si Andaya dahil sa pagkakatanggal umano nito sa trabaho bilang construction worker sa ginawang daan sa nasabing bayan.
Dahil sa napikon ang suspek ay kinuha ang kanyang kutsilyo at sinaksak sa tagiliran ang biktima na nagresulta ng kanyang agarang kamatayan.
Agad namang dinakip ng mga otoridad ang suspek habang inihahanda ang kasong Homicide laban sa kanya.