CAUAYAN CITY- Malubhang nasugatan ang isang laborer matapos na pag-tatagain ng kaniyang mga katrabaho sa Barangay Babaran, Echague, Isabela
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Abner Accad ang Deputy Chief of Police ng Echague Police Station,sinabi niya na nakatanggap sila ng tawag kaugnay sa insidente ng pananaga sa isang tubuhan sa nabanggit ng Barangay.
Ang biktima ay si Rodolfo Parag, 27-anyos , isang laborer na tubong Mindanao habang ang mga suspek ay sina Rony Cabayao,33-anyos at Iyrus Cabayao, 27 anyos na kapwa tubong La Carlota Negros Occidental.
Batay sa impormasyong nakalap ng Pulisya alas-3 ng hapon naganap ang insidente.
Habang nag-iinuman ang biktima at mga suspek ay nagkaroon ng pagtatalo na nag-ugat sa kantiyawan na kalaunan ay nauwi sa pananaga gamit ang tabas.
Dalawang beses na tinamaan sa dibdib ang biktima matapos siyang undayan ng taga ni Ronnie at habang papatakas ay hinabol pa uli siya ng pamangkin ng suspek at muling tinaga sa likod at kaliwang braso.
Agad na dinala sa pagamutan ang biktima na kinailangan isailalim sa operasyon matapos na magtamo ng fracture at ngayon ay nasa ligtas nang kalagayan.
Sa kasalukuyan ay nananatili sa himpilan ng Pulisya ang mga suspek na nakatakdang ipa-receive sa farm manager dahil tumanggi ang biktima na maghain ng kaso.











