Isang lalaki sa Dominican Republic ang 22 taon na nagpanggap na madre, bago tuluyang mabunyag ang kanyang lihim.
Si Frank Tavares, ay lumaki sa pangangalaga ng mga madre matapos mamatay ang kanyang mga magulang sa isang aksidente.
Ayon kay Tavares, napakaamo ng kanyang mukha noong siya’y bata pa kaya pinalaki siya na parang isang babae ng mga madreng nagpalaki sa kanya.
Sa kanyang paglaki, na-realize niya na isa pala siyang lalaki ngunit pinili niyang ipagpatuloy ang kanyang buhay sa kumbento bilang si “Sister Margarita” upang hindi mapalayas dito.
Sa loob nang maraming taon, maingat niyang itinago ang kanyang tunay na pagkatao. Umiiwas siyang maligo kasama ang ibang madre, nagsusuot ng maluluwag na damit, at gumagawa ng paraan upang hindi mahalata ang kanyang sikreto.
Ngunit nang siya ay magbinata, nagsimula siyang magkagusto sa ilang nobisiyada. Sa isang pagkakataon, nabuntis niya ang isa sa mga ito kaya kinailangan niyang lumipat sa ibang kumbento upang takasan ang eskandalo.
Ngunit sa bagong kumbento na kanyang nilipatan, muli siyang nadarang sa tukso at na-in love sa isang nobisiyada na nagngangalang Silvia. Hindi nagtagal, nabuntis niya rin ito at nagplano silang lisanin ang kumbento upang bumuo ng pamilya.
Gayunman, labis ang kanyang pangamba na magalit ang mga madreng nag-aruga sa kanya, kaya pinili niyang manatili at si Silvia lamang ang natuloy lumabas ng kumbento.
Ang kanyang lihim ay nabunyag noong 1979 nang isang guro sa kumbento ang nakadiskubre nito ang isang liham na mula kay Silvia kung saan nakasaad dito ang tungkol sa kanilang relasyon at pagkakaroon ng anak.
Dahil dito, napilitan siyang iwan ang kumbento at muling mamuhay bilang lalaki matapos ang 22 taon ng pagpapanggap.
Sa kasalukuyan, si Frank ay 73-anyos at nagtatrabaho bilang isang magaling na mananahi, isang talento na natutunan niya sa kumbento.
Samantala, si Silvia at ang kanyang anak ay lumipat sa U.S. at hindi na niya kailanman nakita ang mga ito. Gayunpaman, itinuturing pa rin niyang si Silvia ang kanyang “one true love”.
Ang kuwento ni Frank ay naitampok sa iba’t ibang palabas sa telebisyon, pelikula at naging paksa ng ilang libro, kabilang ang The Undressed Nun at Crossroads in the Shadows.