--Ads--

Arestado ang isang lalaki matapos makitaan ng iligal na droga ang naiwan nitong pouch bag sa isang convenience store sa District 3, Cauayan City, Isabela.

Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, dakong alas-11 kagabi, ika-1 ng Setyembre ay nagtungo si alyas “Owel”, 41, sa convenience store upang bumili subalit naiwan nito ang kaniyang bag.

Nang makita ng isang store crew ang bag ay binuksan niya ito upang malaman kung sino ang may-ari ngunit tumambad ang maliit na heatsealed transparent plastic sachet na naglalaman ng crystaline substance na hinihinalang droga.

Dahil sa nadiskubre ay agad na nakipag-ugnayan ang crew sa Cauayan City Police Station.

--Ads--

Nang bumalik ang suspek upang hanapin ang bag nito, ay dito na umaksyon ang mga awtoridad upang siya’y arestuhin  matapos makumpirma na siya ang nagmamay-ari ng naturang bag.

Nasamsam sa suspek ang 4 plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang iligal na droga, drugs paraphernalia, cellphone, wallet at small pouch bag.

Dinala naman sa Cauayan District Hospital ang pinaghihinalaan para sa medical check-up tsaka ipinunta sa Santiago Forensic Unit para sa drug test.