Nahuli ng mga awtoridad ang isang lalaki dahil sa ilegal na pagbebenta ng hindi rehistradong fertilizer at pesticide products sa Barangay San Antonio North, Bambang, Nueva Vizcaya.
Nadakip ang suspek na si Alyas “Junel” ng Brgy. Pando, Concepcion, Tarlac sa pamamagitan ng buy-bust operation na ikinasa ng Criminal investigation and Detection Group (CIDG) katuwang ang Department of Agriculture (DA).
Nakuha mula sa pag-iingat nito ang 64 bottles ng assorted fertilizers at pesticides na nagkakahalaga ng 39,000 pesos.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Manager Leo Bangad ng Fertilizer and Pesticide Authority ng DA Region 2, sinabi niya na walang label ang mga nasamsam nilang pesticides na siyang basehan upang malaman kung papaano ito gamitin at kung anong peste ang kaya nitong puksain.
Aniya, sa pamamagitan ng mga hindi rehistradong pesticides ay maaaring ma-contaminate ang agricultural products na pangagamitan dito gaya na lamang ng gulay.
Bagama’t karamihan sa mga pesticides ay imported, maaari umanong nagkakaroon ng cocktailing ang mga suspek o ang paghahalo-halo ng mga active ingredients ng isang pesticide at maaari rin aniyang dinadagdagan ito ng tubig tsaka ibebenta sa mga magsasaka.
Isa umano itong pananabotahe sa sektor ng pagsasaka at malinaw na panloloko sa mga Magsasaka.
Pinaalalahanan naman niya ang mga agricultural suppliers na huwag bibili at magbebenta ng hindi rehistradong pesticides dahil maaaring ma-revoke ang kanilang dealership license o dili kaya’y makasuhan.
Hindi lamang umano sa Nueva Vizcaya may nangyayaring ilegal na bentahan ng fertilizers dahil ngayon lamang buwan ng Mayo ay mayroon silang naisagawa na tatlong operations sa ilang lugar sa Region 2 partikular sa Cagayan, at Quirino.
Sa kabuuan ay aabot na sa 300,000 pesos ang halaga ng mga produktong nakumpiska sa mga suspek sa kanilang mga naging operasyon.





