Arestado ang isang lalaki dahil sa illegal mining o iligal na paghuhukay sa forest land ng Abinganan, Bambang, Nueva Vizcaya.
Ito ay matapos madiskubre ang isang hukay na halos 500 square meter ang lawak at ilang metro na ang lalim at hinihinalang minimina ng suspek at mga kasamahan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Novalyn Aggasid ang tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office sinabi niya na noong buwan ng Disyembre ay nakatanggap ng reklamo ang Bambang Police Station kaugnay sa biglaang pagkawala ng tustos ng tubig sa bahagi ng Barangay Abinganan kung saan resulta umano ng illegal mining activities sa lugar.
Aniya dahil sa reklamo ay gumawa ng aksyon ang PNP subalit hindi umano naaktuhan ang mga hinihinalang suspek hanggang nitong Pebrero ay muling nag operate ang mga suspek sa lugar at kanilang naaresto.
Nadakip nila sa lugar ang isang lalaki habang natukoy naman ang tatlong mga kasamahan pa nito.
Nasamsam ng Pulisya sa lugar ang 15 kilos ng mineral ore, ilang unknown substance at urea.
Una nang inihayag ni Community Environment and Natural Resources Officer Lensy Bunuen ng Aritao Nueva Vizcaya na bagamat nagsagawa ng surveillance ang DENR at municipal counterpart nila ay hindi umano maaktuhan ang mga naghuhukay na posibleng ginamitan pa ng backhoe.
Isusumite naman ng CENRO Aritao sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang ilang sample ng mineral ore na natagpuang nakasako sa nasabing lugar upang malaman kung ano ang mga ito.