--Ads--

CAUAYAN CITY- Nadakip ang isang binata matapos umanong gahasain ang kaibigan ng kasintahan nito na isang menor de edad sa Bagabag, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Oscar Abrogena, Hepe ng Bagabag Police Station, sinabi niya na nagpunta umano ang 16-anyos na biktima sa isang pagtitipon at nagkayayaang uminom kasama ang suspek at ang kasintahan nito.

Nang makaramdam ng pagkahilo ang biktima ay nagpaaalam ito para magbanyo ngunit sinundan siya ng suspek at doon ginawa ang panghahalay sa mismong kusina ng bahay kung saan sila nag-inuman.

Pinagbantaan pa umano siya ng suspek na huwag sasabihin sa iba ang nangyari at dahil sa takot ay hindi na rin umano nakapalag pa ang dalagita.

--Ads--

Pagka-uwi umano ng biktima sa kanilang bahay ay agad niyang sinabi ang pangyayari sa kaniyang tiyahin na siya namang umasiste rito para maghain ng reklamo sa Himpilan ng Pulisya.

Agad namang nagtungo ang mga kapulisan sa bahay ng suspek kung saan boluntaryo naman itong sumama sa mga awtoridad.

Pinaalalahanan naman niya ang mga Magulang na bantayan ng maigi ang mga anak na babae at huwag hayaang sumama sa kung sino-sino para hindi mailayo sila sa kung ano mang kapahamakan.