
CAUAYAN CITY– Naging emosyunal ang isang ina matapos dukutin ng tatlong armadong kalalakihan ang kaniyang anak sa Barangay District 1, Cauayan City.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gng. Leonida Salgado , isang labandera at residente ng Barangay District 1, Cauayan City, sinabi niya na pasado12:00pm ng isumbong sa kanya ng isa sa mga nakasaksi sa insidente na dinukot ng tatlong armadong kalalakihan ang kaniyang anak na si Marco Salgado 28 anyos, isang nangangalakal ng ng bote at bakal at residente ng naturang barangay.
Aniya pauwi na sa kanilang bahay ang kaniyang anak matapos itong kumain ng lomi at bumili ng ulam sa Lucas Lomihan sa Barangay District 1, Cauayan City nang dukutin.
Kasama pa ng biktima na sakay ng kolong-kolong ang 2 anyos na anak ng kanyang kinakasama nang pababain ito ng tatlong armadong kalalakihan na sakay ng itim na Toyota Innova na pawang may takip ang mga mukha.
Kinuha at isinakay sa sasakyan ang kanyang anak at iniwan sa kolong kolong ang bata.
Panawagan niya na kung sinuman ang dumukot sa kanyang anak na kung maaari ay ibalik ang anak at kung anuman ang nagawa nitong kasalanan ay may tamang proseso upang mapanagot ang anak.
Aminado naman ang ina ng biktima na mag- iisang taon na ang nakalipas ng masangkot sa pagnanakaw ang kanyang anak subalit agad ring naibalik ang mga ninakaw nitong bakal at ngayon ay nagbabagong buhay na.










