--Ads--

CAUAYAN CITY – Kakasuhan ng robbery extortion at paglabag sa Republic Act 9995 o Anti Photo and Video Voyeurism Act ang isang lalaki dahil sa pangingikil sa kanyang dating karelasyon sa Roxas, Solano, Nueva Vizcaya.

Ang pinaghihinalaan ay si Lance, di tunay na pangalan, 20 anyos at residente ng nabanggit na lugar habang ang biktima ay si Shaira, di tunay na pangalan, 24 anyos at residente Quezon, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMS Alvin Tabunan ng Solano Police Station, sinabi niya na personal na nagtungo ang biktima sa kanilang himpilan upang isumbong ang pangingikil sa kanya ng dati niyang kasintahan.

Tinatakot umano ng suspek ang dalaga gamit ang mga nude photos o hubad na larawan nito na kanyang ipapakalat sa social media kung hindi siya makikipagkita sa kanya sa isang hotel at bigyan ng 20,000 pesos.

--Ads--

Dahil dito, agad na nagsagawa ng entrapment ooperation ang Solano Police Station na nagresulta sa pagkadakip ng suspek.

Nakuha sa pag-iingat ng lalaki ang 25,000 na boodle money at ginamit sa transaksyon at isang cellphone.

Ayon pa kay PMS Tabunan, tumagal din ng isang taon ang relasyon ng dalawa at naghiwalay sila dahil sa panghaharas ng suspek sa dalaga.

Sa ngayon ay pansamantala nang nakapiit sa Solano Police Station ang pinaghihinalaan na sasampahan ng kasong robbery extortion at paglabag sa Republic Act 9995 o Anti Photo and Video Voyeurism Act.

Ang pahayag ni PMS Alvin Tabunan.