La Trinidad, Benguet – Isang 22-anyos na lalaki ang umano’y nagpakamatay dahil sa pagkakautang na dulot ng pagkakalulong sa online gambling, ayon sa ulat ng La Trinidad Municipal Police Station.
Natagpuan ng pinsan ang lalaki na wala nang buhay at nakabitin sa likod ng kanilang bahay sa Barangay Alapang noong Agosto 8. Ayon sa pinsan, bago nito nadiskubre ang katawan, ilang beses niyang nakita ang biktima na pabalik-balik sa kuwarto bandang alas-11 ng gabi noong Agosto 7.
Ang biktima, na hindi pinangalanan para sa privacy, ay isang estudyante at tubong Kapangan ngunit naninirahan sa La Trinidad. Sa imbestigasyon, natagpuan sa kuwarto nito ang isang suicide note kung saan inamin niyang nalulong siya sa isang online gambling platform at baon sa utang.
Nakasaad sa liham na may utang siya sa mga kaibigan, kakilala, at ilang online lending apps. Dahil dito, nagbabala ang pulisya sa publiko hinggil sa tahimik ngunit mapanganib na patibong ng online gambling, lalo na sa kabataan.
Batay sa datos ng Agenzia Fides mula sa 2023 Capstone-Intel survey, karamihan sa mga kalahok sa online gambling ay kabataan at nasa katamtamang edad. Ayon sa pag-aaral, karaniwang gumagastos ng humigit-kumulang ₱1,000 kada linggo ang mga nagsusugal online, habang 20% sa kanila ay umaabot ng hanggang ₱3,000 kada linggo.
Sa kabila ng mga panukalang ipagbawal o higpitan ang online gambling, wala pang konkretong aksyon mula sa pambansang pamahalaan hinggil sa lumalalang isyu ng pagkakalulong sa sugal sa bansa.











