--Ads--

CAUAYAN CITY- Nasa kritikal na kondisyon ang isang lalaki matapos barilin sa ulo ng Punong Barangay sa Brgy. Sta Isabel Sur, Ilagan City, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Reynaldo Terrenal, residente ng Sta. Isabel Sur habang ang suspek ay kinilalang si Joseph Uy Jr, Punong Barangay ng nabanggit na lugar.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Noralyn Andal, tagapagsalita ng City of Ilagan Police Station, sinabi niya na bago ang insidente ay nag-inuman ang suspek at ang biktima kasama ang dalawa pang lalaki.

Habang nasa kalagitnaan umano sila ng inuman ay nagkaroon ng pagtatalo ang suspek at ang biktima dahilan upang mairita ang suspek at umalis sa inuman.

--Ads--

Pagkalipas ng ilang sandali ay bumalik ang suspek na mayroong dala na long riffle at bigla na lamang binaril ang biktima sa ulo ng isang beses at dali-daling tumakas sa hindi pa matukoy na direksyon.

Ito naman ang unang pagkakataon na nasangkot umano sa gulo ang Punong Barangay ng Sta. Isabel Sur at nilinaw ni PCapt. Andal na hindi ito election-related incident.

Kaninang mga dakong alas- nuebe y medya ng umaga boluntaryong sumuko ang suspek kay City Mayor Jose Marie Diaz at ngayon ay nasa pangangalaga na ito ng City of Ilagan Police Station.

Kaugnay nito ay nagbigay na din ng tulong ang Alkalde sa biktima na nasa City of Ilagan Medical Center.