Nauwi sa takot at pangamba ang masaya sanang pagsalubong ng bagong taon ng isang pamilya matapos kamuntikang tamaan ng ligaw ng bala ang isang lalaki sa Barangay Tarinsing, Cordon, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Semias Martin, ang muntikang natamaan ng ligaw na bala, sinabi niya na kasalukuyan nilang sinasalubong ang bagong taon kaninang hatinggabi sa labas ng kanilang bahay nang bigla na lamang silang nataksikan ng putik.
Ipinagtaka umano nila kung saan galing ang putik na tumalsik sa kanilang magkakapamilya kaya naman inilawan nila ang paligid at doon niya nakita ang isang bala ng baril na malapit lamang sa kaniyang paanan.
Dali-dali naman silang sumilong at inispeksyon ang kanilang mga sarili kung mayroong natamaan sa kanila at sa kabutihang palad ay ligtas naman ang lahat.
Agad umano niyang tinawag ang kaniyang kapatid na isa ring Pulis para ipaalam ang insidente na siyang ring nagpasakamay sa narekober na bala sa himpilan ng Pulisya.
Dahil sa insidente ay hindi na nila tinuloy ang kanilang kasihayan sa labas ng bahay at nagsalo-salo na lamang silang mag-anak sa loob para masiguro ang kanilang kaligtasan.
Ayon kay Martin, hapon pa lamang ng New Year’s eve ay mayroon na silang naririnig na putok ng mga baril at inakala pa nila na mayroong nag-aaway ngunit hindi naman nila matukoy kung saan nangggaling ang tunog.
Sa ngayon ay natatakot na umano silang lumabas ng kanilang bahay dahil nangangamba sila na baka maulit ang pangyayari.