
CAUAYAN CITY – Kalunus-lunos ang sinapit ng isang lalaking nasagasaan ng dumptruck na nawalan ng preno habang binabagtas ang national highway sa Nappacu Grande, Reina Mercedes, Isabela.
Ang biktimang si Jordan Genove, 49 anyos, residente ng Nacalma, Benito Soliven, Isabela ay nahulog mula sa likuran ng sinasakyang tricycle na nabunggo ng dumptruck na nawalan ng preno habang binabagtas ang national highway sa lampas ng tulay sa Reina Mercedes, Isabela kahapon, ika-22 ng Nobyembre.
Nadurog ang ulo at kamay ng biktima matapos mahulog at masagasaan ng dumptruck.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCapt Mario Discipulo, deputy chief of police ng Reina Mercedes Police Station na ang tricycle ay minaneho ni Roel Dalere.
Sakay din ng tricycle ang misis at anak ni Genove na 10 anyos na mapalad na hindi nasugatan.
Ang tricycle ay galing sa Cauayan City at papuntang Benito Soliven, Isabela nang mangyari ang aksidente.
Ang dumptruck ay minaneho ni Erwin Ramirez, 30 anyos at residente ng Villa Imelda, City of Ilagan.
Siya ay sasampahan ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide.










