Isang indibidwal ang naaresto sa bayan ng Delfin Albano, Isabela matapos mahulihan ng hindi lisensiyadong baril sa Comelec checkpoint.
Ang suspek ay itinago sa alyas “Harry”.
Batay sa ulat ng Delfin Albano Police Station, dumaan sa kanilang isinasagawang COMELEC Checkpoint sa Brgy. Ragan Sur, Delfin Albano, ang suspek sakay ng walang plakang motorsiklo na kanilang pinahinto.
Habang isinasagawa ang beripikasyon, napansin ng mga pulis ang pagkabalisa ng suspek at halatang nasa impluwensiya ng alak.
Nang buksan nito ang kanyang itim na sling bag ay nakita ng mga pulis ang isang caliber .38 revolver na walang bala.
Hiniling ng mga pulis na isuko nito ang baril, at boluntaryo namang iniabot ng suspek.
Natuklasan ding walang kaukulang dokumento ang nasabing baril, kaya agad siyang inaresto at dinala sa Delfin Albano Police Station para sa tamang disposisyon at pagsasampa ng mga kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at paglabag sa Batas Pambansa Bilang 881 (Omnibus Election Code) na may kaugnayan sa COMELEC Resolution No. 11067.











