--Ads--

Nalunod ang isang lalaki habang kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Paolo sa bayan ng Cordon, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCMS Arnel Basiuang, imbestigador ng Cordon Police Station, sinabi nitong huli na nang maiparating sa kanila ang insidente dahil hindi agad ito naiulat ng mga kaanak sa barangay at sa mga kinauukulan.

Kinilala ang biktima bilang isang 47-anyos na magsasaka, residente ng Sitio Tawang, Barangay Capirpiriwan, Cordon, Isabela.

Ayon sa ulat, nagtungo ang biktima sa Purok 5 ng nasabing barangay upang bumili ng bigas. Pinayuhan umano siya ng kanyang kapatid na huwag nang bumalik agad sa kanilang bahay dahil sa masamang panahon. Ngunit nagpumilit ang biktima na tumawid sa ilog sakay ng kalabaw, na nauwi sa kanyang pagkalunod.

--Ads--

Nagtulungan ang mga kaanak ng biktima sa paghahanap at natagpuan ang kanyang katawan kinagabihan, mga 50 metro ang layo mula sa inaasahang daraanan nito.

Ito ang unang typhoon-related death na naitala sa bayan ng Cordon.

Samantala, nagsagawa na ng pagpupulong ang lokal na pamahalaan ng Cordon katuwang ang mga concerned agencies upang talakayin ang naturang insidente at pag-ibayuhin pa ang paghahanda sa mga ganitong sakuna.