Arestado ang isang lalaki matapos masamsaman ng hindi rehistradong baril at iligal na droga sa isang operasyon na isinagawa sa Barangay Carabatan Chica.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, ang naaresto ay si alyas Jaymark, 34-anyos na residente ng Barangay Rizal, Diffun, Quirino.
Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang isang unit ng pistol, apat na live ammunition para sa caliber .32 na baril, black backpack, android phone, dalawang lighter, gunting, leather bag, wallet, rolled aluminum foil, mga ID, at motorsiklo.
Nakuha rin sa kaniya ang maliit na pakete na naglalaman ng shabu.
Batay kay alyas Jaymark, ang baril ay ibinigay lamang sa kaniya ng kaibigan para sana ipaayos dahil ito ay sira. Subalit agad na nakarating sa pulisya ang aktibidad ng suspek at ang pag-iingat nito ng baril.
Sa ngayon, ang mga nasamsam na ebidensya, maging ang suspek, ay nasa pangangalaga na ng Cauayan City Police Station para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.











