CAUAYAN CITY- Wala nang buhay nang matagpuan ang isang 26-anyos na lalaki matapos malunod habang naliligo sa ilog sa Barangay Lalog, Luna, Isabela.
Ayon sa ulat ng Bombo Radyo Cauayan, ang biktima ay isang construction worker sa isang rice mill sa naturang bayan at tubong Sorsogon.
Sa panayam kay PMaj. Jonathan Ramos, hepe ng Luna Police Station, sinabi niya na nakatakda sanang magtungo ang grupo ng biktima sa isang resort sa Barangay San Miguel. Ngunit dahil sarado ang resort, nagpasya silang mag-picnic na lamang sa ilog.
Batay sa salaysay ng mga kasama ng biktima, nakainom umano sila nang maganap ang insidente. Tumungo ang biktima sa gitnang bahagi ng ilog at humingi ng saklolo, ngunit inakala ng mga kasama niyang nagbibiro lamang siya. Nagulat na lamang sila nang bigla itong lumubog at hindi na nakaahon.
Nagtaka rin ang grupo dahil marunong naman umanong lumangoy ang biktima. Agad nilang ipinaalam sa mga otoridad ang insidente, na naging daan sa mabilis na pagkakarekober ng katawan.
Ayon sa pulisya, bahagyang tumaas ang antas ng tubig sa ilog bunsod ng mga pag-ulan at pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam.
Naipabatid na rin sa pamilya ng biktima sa Sorsogon ang pangyayari. Tumanggi na silang isailalim sa autopsy ang labi, dahil kumbinsido silang pagkalunod ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.
Nagpaalala naman si PMaj. Ramos sa mga opisyal ng Barangay Lalog na bantayan ang ilog sa kanilang nasasakupan, lalo’t hindi tiyak ang biglaang pagtaas ng tubig upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.





