CAUAYAN CITY- Nasawi ang isang private employee sa banggaan ng single ng motorsiklo at trailer truck sa lungsod ng Cauayan.
Ang nasawi ay ang tsuper ng yamaha sniper 155 na kinilalang si Alexander Edison Sortez, 23 anyos, single, sales associate sa isang pribadong kumpanya, na residente ng Sotero Nuesa Roxas Isabela.
Habang ang driver naman ng trailer truck ay kinilalang si Christopher Gutierez, 48 anyos, driver, na residente ng Brgy Magdalena, Cabatuan, Isabela.
Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, binabaybay ng dalawang sasakyan ang magkasalungat na daan kung saan ang trailer truck ay patungong west direction partikular sa papuntang Luna Isabela, habang ang motorsiklo ay patungong east direction partikular sa Cauayan City Proper.
Nang makarating sa lugar na pinangyarihan ng insidente, aksidente umanong umagaw ng linya ang motorsiklo dahilan upang mabangga ito ng kasalubong na truck.
Ayon pa sa imbestigasyon ng PNP, matulin ang patakbo ng motorsiklo kaya nawalan ito ng kontrol.
Sa lakas ng salpukan ay nagtamo ng matinding sugat sa ulo ang biktima kahit ito ay nakasuot ng helmet .
Agad naman na rumesponde ang kasapi ng Rescue 922 at dinala ang biktima sa Cauayan District Hospital subalit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.
Sa ngayon ay hindi pa matiyak ang halaga ng pinsala ng parehong sasakyan ngunit ito ay dinala sa himpilan ng Cauayan City Police Station para sa disposisyon.
Maging ang tsuper ng trailer truck ay kasalukuyan nang nasa pangangalaga ng nabanggit na himpilan at nahaharap naman sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property.