CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang lalaki matapos bumangga sa sinusundang motorsiklo ang kanyang sinasakyang motorsiklo bago siya tumama sa poste ng kuryente sa National Highway na bahagi ng Brgy. Minante Dos, Cauayan City.
Ang biktima ay ang tsuper ng Raider na motorsiklo na si Joshua Anical, dalawampu’t apat na taong gulang at residente ng San Felipe, Echague, Isabela.
Wala namang tinamong sugat ang tsuper ng Yamaha NMax na si Jaypee, tatlumput tatlong taong gulang, may-asawa at residente ng Minante Dos, Cauayan City habang nasugatan ang kanyang asawa na kanyang angkas.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan kay Jaypee, kanyang sinabi na patungo sila sa timog na direksyon at nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay bigla na lamang nag-overtake sa kanang bahagi ang humaharurot na motorsiklo ni Anical dahilan kaya natamaan ng kanyang motorsiklo ang foot rest ng NMax.
Natumba ang motorsiklo ng biktima at nagpagulong-gulong ito ng mahigit sampung metro, habang ang sakay nito ay dumiretso sa gilid ng kalsada at humampas sa poste ng kuryente.
Sa lakas nang paghampas ay natanggal ang ulo ng biktima at dumiretso ang kanyang katawan ilang metro ang layo mula sa poste.
Sa ngayon ay hawak ng pulisya si Jaypee at posible siyang maharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property.
Samantala, sa exclusive interview ng Bombo Radyo Cauayan kay Seizo Calimag, residente ng Reina Mercedes, Isabela at nakakita sa pangyayari, sinabi niya na agad nilang ipinagbigay alam sa pulisya ang pangyayari.
Aniya may kadiliman ang lugar kaya posibleng hindi napansin ng biktima ang sinusundang motorsiklo.