--Ads--

CAUAYAN CITY – Natagpuang palutang-lutang at wala nang buhay ang isang lalaki sa ilog na bahagi ng Brgy. Careb, Bagabag, Nueva Vizcaya.

Ang biktima ay tatlumpu’t tatlong taong gulang, construction worker at residente ng Brgy. Tactac, Sta. Fe, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Oscar Abrogena, ang Hepe ng Bagabag Police Station, sinabi niya na unang araw ng Agosto nang magtungo ang pinsan ng biktima sa kanilang tanggapan upang iulat ang pagkawala nito.

Ayon sa pinsan nito, nag-inuman umano sila ng biktima noong gabi ng katapusan ng Hulyo at nang makaubos sila ng dalawang bote ng alak ay nag-pasya umano ang biktima na manghuli ng ibon.

--Ads--

Tumawid umano ito sa ilog at dahil hindi niya ito kayang tawirin bunsod ng malakas na buhos ng ulan ay minabuti niyang bumalik na lamang at tinahak ang ibang daanan patungo sa ibang bahagi ng ilog.

Hindi naman na matukoy kung saan ito nagtungo hanggang sa hindi na ito nakabalik pa.

Makalipas ang dalawang araw ay nakita ng isang Barangay Kagawad ang katawan ng isang lalaki na palutang-lutang sa ilog.

Agad naman niya itong iniulat sa pulisya at nakumpirma na ito ang nawawalang lalaki na iniulat sa kanila kamakailan.

Kumbinsido naman ang pamilya ng biktima na walang foul play sa pagkasawi ng kanilang kaanak kaya tumanggi na rin silang isailalim sa autopsy ang katawan nito.

Nagpaalala naman si PMaj. Abrogena sa Publiko na huwag ng magtungo sa mga ilog kapag nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin para maiwasan ang kaparehong insidente.