--Ads--

CAUAYAN CITY – Determinadong magsampa ng kaso ang isang lalaking binugbog ng halos 10 pulis na kanilang nakalaro sa basketball sa San Fabian, Echague, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ng biktimang si Jayson Macutay, 27 anyos, residente ng San Fabian, Echague, Isabela na noong January 19, 2022 ay magbabasketball sana silang magbabarkada para magpapawis ngunit dumating ang grupo ng mga pulis at inaya silang magbasketball na kanilang sinang-ayunan.

Una pa lamang anIya ay agresibo nang maglaro ang mga pulis at naamoy ng mga kasama ni Macutay ang isang pulis na umanoy amoy alak ngunit pinagpatuloy nila ang laro.

Sa simula pa lamang ay hindi NA naging maganda ang laro ng mga pulis dahil ilan sa kanila ang nanunulak ngunit dahil sa laro lamang ay nagpatuloy sila.

--Ads--

Na-foul at naipit aniya ang isang pulis na kalaunan ay nakilalang si PCapt. Teresito Calimposan Jr., Commanding Officer ng 205th Manueuver Company ng Regional Mobile Force at pagtalikod ni Jayson ay ibinalibag sa kanyang likuran ang bola.

Dahil nasaktan ay sinuntok niya ang naturang opisyal ng PNP.

Dito na siya pinagtulungan ng halos 10 pulis at sinabihan siyang hepe nila ang kanyang sinuntok.

Hinawakan umano si Macutay at pinagbubugbog ng mga pulis.

Ayon kay Macutay, hindi siya gumanti at naramdaman na lang niyang masakit ang kanyang mga braso, tagiliran, mukha at ang pinakamasakit ay ang kanyang ulo hanggang hindi na alam ang mga sumunod na pangyayari.

Batay sa medical certificate na inilabas ng Echague District Hospital, nagtamo ang biktima ng contusion hematoma secondary to mauling.

Nagharap-harap sila sa himpilan ng pulisya ngunit tanging si Captain Calimposan at isang pulis ang humarap sa biktima at nais nilang makipag-areglo.

Nanindigan si Macutay na sampahan ng kaso ang mga pulis na nambugbog sa kanya dahil hindi biro ang ginawa sa kanya ng mga pinaghihinalaan.

Bahagi ng pahayag ng biktimang si Jayson Macutay

Samantala, inihayag ni PCpt Teresito Calimposan Jr. na humingi siya ng paumanhin sa ginawa ng kanyang mga tauhan sa biktima

Noong naglalaro sila ng basketball ay natapunan niya ng bola si Macutay at nabigla siya ng sinuntok siya sa ulo.

Naging dahilan ito upang bugbugin din ng kanyang mga tauhan si Macutay ngunit umawat naman siya.

Sinabi niya na dumayo sila sa San Fabian, Echague, Isabela dahil tagaroon ang kasamahan nilang pulis na nagdiwang ng kaarawan at napagkasunduang magpapawis sa pamamagitan ng basketball bago kumain.

Ang bahagi ng pahayag ni PCpt Teresito Calimposan Jr.