--Ads--

Natagpuan ang isang lalaki sa China matapos ang anim na araw na paglalakad sa kabundukan nang walang dalang pagkain, tubig, o cellphone. Ayon sa ulat, ginawa niya ito sa isang desperadong pagtatangka na makalimot matapos silang maghiwalay ng kanyang nobya.

Kinilala ang lalaki bilang si Xiaolin, na umalis sa kanyang apartment sa Hangzhou noong Hunyo 20. Nagsimula ang imbestigasyon nang i-report ng kanyang nakababatang kapatid ang kanyang pagkawala sa pulisya.

Sa isinagawang inspeksyon ng mga awtoridad sa kanyang tirahan, natuklasang wala si Xiaolin roon, ngunit naiwan ang kanyang mga mahahalagang gamit, kabilang ang cellphone.

Agad nagsagawa ng malawakang search operation ang Yuhang police, katuwang ang mahigit 100 pulis at residente, kasama ang mga search dogs, drone, at sonar devices. Tinunton nila ang Dalang Mountain, kung saan huling napabalitang nakita si Xiaolin.

--Ads--

Natunton siya noong Hunyo 26 matapos siyang mamataan ng surveillance camera sa isang parke sa ibang distrito.

Batay sa ulat ng pulisya, halos 40 kilometro ang nilakad ni Xiaolin. Upang mabuhay, uminom siya ng tubig mula sa mga sapa at kumain ng mga ligaw na prutas at pagkaing nakita malapit sa mga bahay sa paanan ng bundok.

Inamin ni Xiaolin na ginawa niya ito upang malimutan ang sakit ng kanilang hiwalayan ng girlfriend. Sa ngayon, siya ay nasa maayos nang kalagayan.