--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasugatan ang isang lalaki matapos siyang tagain ng kanyang pamangkin sa Brgy. Abut, Quezon, Isabela.

Ang biktima ay si Vincenteriano Batalla Jr, bente nuebe anyos, binata, magsasaka at residente ng nabanggit na barangay.

Habang ang suspek naman ay ang kanyang pamangkin na si John, bente uno anyos, binata, out of school youth, at residente din nang nasabing barangay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Joseph Curugan ang Chief of Police ng Quezon Municipal Police Station napag-alaman na dinala umano ng suspek ang kanyang girlfriend at ang isa pang babae sa kanilang bahay kung saan sila ay nag-inuman.

--Ads--

Habang kasalukuyan ang inuman ay kinausap umano ng biktima ang girlfriend ng suspek na hindi naman umano nagustuhan ng suspek.

Inakala umano ng suspek na binabastos siya ng kanyang tiyuhin na naging dahilan nang pagkasama ng kanyang loob.

Pagkatapos ng ilang sandali ay umuwi na ang biktima at natulog sa kanilang bahay subalit hindi umano nawala ang inis nito at dito na niya kinuha ang isang itak at sinugod ang natutulog na biktima.

Tinaga ng suspek ang biktima na tinamaan sa kanyang leeg.

Sinubukan pa ng tatay ng biktima na pigilan ang suspek subalit binantaan umano siya ng pinaghihinalaan na tatagain din.

Dito na humingi ng tulong ang tatay ng biktima sa mga pulis na kaagad namang rumesponde sa lugar at pinakalma ang sitwasyon.

Isinugod naman sa pagamutan ang biktima kung saan siya ay nalapatan ng lunas at nakalabas din pagkatapos magamot.

Dinala naman sa Quezon Municipal Police Station ang suspek kung saan siya ay mahaharap sa kasong Attempted Homicide.

Ayon sa hepe matagal na umanong sakit sa ulo ang suspek kaya’t desidido umano ang kanyang mga kaanak na sampahan siya ng kaso upang siya’y magtanda.