CAUAYAN CITY – Matindjng galit ang nakikitang dahilan sa pagsaksak at pagpatay ng isang lalaki sa kinakasama ng kanyang kapatid sa Dubinan West, Santiago City.
Ang biktima ay si Diolyto Dorado, 40 anyos habang ang suspek ay si Carlito Cerezo, 34 anyos, may asawa at kapwa residente ng nabanggit na lugar.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Station 2 ng Santiago City Police Office (SCPO) sa pamamagitan ni PSSG. Rafael Bacani, bago ang insidente ay nanggulo umano sa nasabing lugar ang biktima dahil lasing kaya nagalit ang suspek.
Pagkatapos manggulo ay nakatulog si Dorado sa sala ng kanilang bahay at dito na pumasok si Cerezo na lango rin sa alak at sinaksak sa tiyan ang biktima gamit ang isang kitchen knife.
Dumating ang kinakasama ng biktima na si Jonalyn Yang at ang misis ng suspek na si Maricar Cerezo at sinubukang pigilan ang mister.
Agad namang nagtungo sa lugar ang mga awtoridad kaya naaresto ang suspek habang naitakbo pa sa Callang General Hospital ang biktima subalit binawian ng buhay.
Napag-alaman na ang live-in partner ni Dorado ay nakatatandang kapatid ng suspek at dahil nakatira lamang sila sa iisang bahay ay nakikita niya ang madalas na pananakit sa kanyang ate.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng Station 2 ng SCPO si Cerezo na sasampahan ng kasong murder.





