--Ads--

Sugatan ang isang lalaki matapos masaksak sa gitna ng isang alitan na naganap sa Brgy. Naganacan, Cauayan City, nitong Disyembre 26.

Ang biktima na kinilala sa alyas na “Dan,” nasa hustong gulang at isang magsasaka, ay nagtamo ng saksak sa kaliwang bahagi ng tiyan at agad na isinugod sa ospital para sa medikal na atensyon.

Samantala, ang suspek na tinukoy sa alyas na “Mon-mon,” isa ring magsasaka at nakatatanda sa biktima, ay agad na naaresto ng mga awtoridad.

Batay sa paunang imbestigasyon, magkamag-anak ang biktima at suspek at kapwa naninirahan sa nasabing lugar. Sa araw ng insidente, nagkaroon umano ng inuman ang grupo ng biktima kasama ang ilang kamag-anak ng suspek. Bandang alas-3:00 ng hapon, nagkaroon ng suntukan sa pagitan ng ilang kasapi ng grupo na sinubukan umanong awatin ng suspek na nasa impluwensiya rin ng alak.

--Ads--

Gayunman, nauwi sa mainitang pagtatalo ang sitwasyon at nasuntok ng biktima ang suspek, dahilan upang magkaroon ng pisikal na alitan.

Pansamantala namang humupa ang tensiyon sa tulong ng kanilang mga kamag-anak kaya umuwi na ang suspek sa kanilang bahay.

Ilang minuto ang lumipas, bumalik umano ang suspek na may dalang kutsilyo at doon sinaksak ang biktima, dahilan ng pagkakasugat nito sa kaniyang kaliwang bahagi ng tiyan.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang kabuuang detalye ng insidente at ang kaukulang kasong isasampa laban sa suspek.

Dagdag pa ng pulisya, naging sunod-sunod na kaso ng karahasan na naitala ng mga awtoridad, kung saan kapwa nasa impluwensiya ng alak ang mga suspek sa bawat insidente. Kaya naman nanawagan ang mga awtoridad sa publiko na umiwas sa labis na pag-inom ng alak upang maiwasan ang karahasan at hindi inaasahang insidente.