--Ads--

CAUAYAN CITY- Sugatan ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa Purok 2, Annafunan, Echague, Isabela.

Ang biktima ay nakilalang si Jessie Francisco, 30-anyos, may asawa, warehouse controller, at residente ng nasabing barangay.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, lumabas sa pagsisiyasat ng Echague Police Station na pauwi na sana ang biktima pasado alas onse kagabi nang madatnan nito ang dalawang lalaki sa harapan ng kanilang tahanan.

Nakita umano nito na nakahawak ng baril ang isa sa mga lalaki kung kayat agad niya itong tinakbo upang agawin sana ang baril subalit siyay pinaputukan ng dalawang beses at tinamaan ang kanyang binti.

--Ads--

Dahil dito ay agad na tumakbo papalayo ang biktima subalit hinabol pa rin siya ng mga pinaghihinalaan at pinagbabaril ang biktma kung saan tinamaan ang kanyang likod.

Matapos nito ay tumakas na ang mga hindi pa nakikilalang pinaghihinalaan patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.

Narecover naman sa pinangyarihan ng insidente ang limang basyo ng kalibre 45 baril.

Agad ding nagsagawa ng high risk checkpoint ang mga kasapi ng Echague Police Station.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang hot pursuit operation na isinasagawa ng PNP para sa ikadarakip ng mga pinaghihinalaan.