Sugatan ang isang 30-anyos na lalaki matapos tagain ng sariling ama sa Dagupan, San Mateo, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa suspek na si Rowel, sinabi niya na bago ang insidente ay nag-inuman sila ng kaniyang anak na si Mariano na noo’y maghapon na umanong naka-inom.
Ilang sandali pa ay tumawag ang misis ni Mariano na nasa Maynila upang pahintuin ito sa pag-inom lalo na at walang ibang mag-aalaga sa 6-anyos nilang anak.
Sinegundahan naman aniya ito ng kaniyang ama subalit hindi ito nakinig at nagpatuloy pa rin sa pag-inom.
Dahil dito ay pinagsabihan siya ng kaniyang ama at dito na nagsimulang magka-initan ang dalawa.
Dali-dali namang kinuha ni Rowel ang kaniyang itak na aniya’y panakot lamang sana niya sa anak subalit dahil sa nagpatuloy ang kanilang pag-aaway ay nauwi ito sa pananaga.
Ang biktima ay nagtamo ng sugat sa braso at kamay kung saan kinakailangan itong ilipat sa mas malaking pagamutan sa Lungsod ng Santiago.
Nagpahayag naman ng pagsisisi ang suspek sa nagawa nito sa kaniyang anak.











