--Ads--

Sugatan ang isang lalaki matapos tagain ng kanyang kainuman kasunod ng mainitang pagtatalo sa Purok 6, Malini-Malvar, Santiago City. ‎

‎Kinilala ang biktima na si Alyas Ron, 26 anyos, isang helper at residente umano ng Brgy. Buenavista, habang ang suspek naman ay si Alyas Ger, 26 anyos, isang pintor at boarder ng naturang lugar. ‎ ‎

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente bandang 10:30 ng gabi sa nasabing lugar nang magtungo ang biktima sa bahay ng suspek at mauwi sa mainitang pagtatalo ang kanilang pag-uusap na kalaunan ay humantong sa pisikal na komprontasyon. ‎ ‎

Ayon naman sa saksi na si Johnson, naganap ang insidente matapos silang mag-inuman kung saan una siyang umuwi nang bahagyang nakainom. ‎ ‎Makalipas ang ilang oras, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo at sigawan ang dalawa. ‎

--Ads--

‎Ayon sa kanya, bumalik ang biktima na may dalang itak at sinubukan nilang awatin ito at kunin ang hawak nitong sandata. ‎ ‎Dinala pa umano nila ang biktima sa bahay nito at itinago ang itak upang maiwasan ang gulo. ‎ ‎

Gayunman, muli umanong bumalik ang biktima, ngunit pagkakataong ito ay may dala na itong kutsilyo at nag-abang sa pintuan ng bahay ng suspek. ‎ ‎

Nagbabala pa umano siya sa suspek na huwag nang lumabas dahil armado ang biktima, ngunit nakahanap umano ng paraan ang suspek na dumaan sa likod ng bahay at tinaga ang nakatalikod na biktima nang ilang ulit. ‎ ‎Sinubukan pa sanang awatin ng saksi ang dalawa ngunit natakot itong madamay. ‎ ‎

Agad na dinala ng mga concerned citizen ang sugatang biktima sa Southern Isabela Medical Center para sa agarang gamutan, kung saan nagtamo ito ng dalawang (2) hiwa sa ulo at isang (1) hiwa sa kanang noo. ‎ ‎


Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang (1) butcher knife na may habang humigit-kumulang labing-apat (14) na pulgada, kasama ang hawakan, na pinaniniwalaang ginamit sa krimen. ‎ ‎

Samantala, ayon kay Kagawad Rodanson Aguaitan, hindi umano agad naireport sa kanilang barangay ang nasabing insidente at nagulat na lamang sila nang malaman na may naganap na pananaga sa kanilang lugar matapos silang tawagan kinabukasan ng umaga. ‎ ‎

Nagpaalala rin ang kagawad sa kanyang mga kabarangay na iwasan ang labis na pag-inom ng alak at agad ireport sa mga awtoridad ang anumang gulo o insidente upang maiwasan ang mas malalang pangyayari. ‎ ‎

Kalaunan ay naaresto ang suspek ng mga rumespondeng tauhan ng Police Station 1 at kasalukuyang nasa kustodiya na ng himpilan para sa kaukulang disposisyon. ‎ ‎