Nasugatan ang isang lalaki matapos na bariling ng kawani ng Secret Service matapos ang isang armed confrontation malapit sa White House noong Linggo.
Naganap ang insidente pasado hatinggabi, isang block ang layo mula sa White House, sa kanlurang bahagi ng Eisenhower Executive Office Building.
Sa isang pahayag, sinabi ng Secret Service na, nagbigay ng impormasyon ang pulisya tungkol sa isang taong may suicidal tendencies na maaaring natungo sa Washington, D.C., mula Indiana.
Dakong hatinggabi, natagpuan ng mga ahente ng Secret Service ang nakaparadang sasakyan ng lalaki malapit sa 17th at F Streets, NW, at nakita ang isang taong tugma sa kanyang deskripsyon.
“Habang papalapit ang mga opisyal, naglabas ng baril ang indibidwal at naganap ang isang armed encounter, kung saan nagpaputok ng baril ang aming mga tauhan,” ayon sa pahayag ng ahensya.
Agad na isinugod sa ospital ang suspek, ngunit hindi pa alam ang kanyang kondisyon.
Walang naiulat na nasaktan mula sa panig ng Secret Service.
Ang Metropolitan Police Department ang mangunguna sa imbestigasyon sa insidente dahil sila ang pangunahing ahensiyang may responsibilidad sa mga kaso ng paggamit ng dahas sa District of Columbia, ayon sa Secret Service.
Wala si Pangulong Donald Trump sa White House nang mangyari ang insidente, batay sa kanyang iskedyul. Inaasahan siyang aalis sa kanyang Mar-a-Lago estate ngayong alas-5 ng hapon at babalik sa kabisera.






