--Ads--

CAUAYAN CITY – Sugatan ang isang lalaki matapos sumalpok ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang SUV sa Pambansang Lansangan na bahagi ng Minante 2, Cauayan City, Isabela.

Ang tsuper ng motorsiklo ay kinilalang si John Lesly Ebañez habang ang SUV naman ay minamaneho ni Rommy Bravo na residente ng Cauayan City, Isabela.

Bago maganap ang insidente ay binabaybay ng SUV ang national highway patungong timog na direksyon habang patungo naman sa kasalungat na direksyon ang motorsiklo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa Driver ng SUV, sinabi niya bigla umanong pumunta sa kaniyang linya ang motorsiklo kung saan sinubukan pa umano niya itong iwasan ngunit nasalpok pa rin nito ang biktima.

--Ads--

Sa lakas ng impact ay napunta pa sa windshield ang biktima dahilan upang magtamo ito ng sugat sa kaniyang katawan habang maswerte naman na hindi nasaktan ang tsuper ng SUV maging ang mga sakay nito.

Ayon naman sa Tsuper ng motorsiklo, galing umano siya sa Minante 2, Elementary School dahil mayroon umano siyang hinabilin sa anak nito.

Habang binabaybay umano nito ang pambansang lansangan ay lumiko aniya ito dahil pupunta siya sa kabilang bahagi ng kalsada ngunit nasapok nito ang paparating na SUV.