--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagtamo ng sugat ang isang helper matapos siyang saksakin ng kaniyang kainuman sa Barangay Gagabutan, Cauayan City, Isabela.

Ang biktima ay si Mark Aquino, 39-anyos at residente ng Makutay, Rizal Kalinga habang ang pinaghihinalaan ay kinilalang si Joe Dela Cruz, 29-anyos at residente ng Liwan Sur, Enrile, Cagayan.

Batay sa imbestigasyon ng Cauayan City Police Station bago ang insidente ay nag-iinuman umano ang dalawa at nang makaubos sila ng dalawang bote ng alak ay nagsimula na silang magtalo.

Habang nasa kalagitnaan ng pagtatalo ay bigla na lamang umanong kumuha ng kutsilyo sa cabinet ang pinaghihinalaan tsaka niya sinasaksak sa kanang bahagi ng kaniyang ng tiyan ang biktima.

--Ads--

Batay sa salaysay ng nakasaksi sa pangyayari, nag-ugat ang pagtatalo ng dalawa nang magkwento ang suspek tungkol sa problema nilang mag-live in partner.

Dahil sa ayaw umano ng biktima na makinig ng usaping problema ay sinabihan niya ang pinaghihinalaan na huwag idala sa inuman ang problema dahil nakasisira umano ito ng araw.

Dahil dito ay bigla na lamang umanong uminit ang ulo ng suspek na nag-udyok sa kaniya para saksakin ang biktima.

Agad namang naagaw ng asawa ng biktima ang kutsilyo kaya’t hindi na nasundan pa ang pananaksak nito.

Dinala naman sa pagamutan ang biktima habang boluntaryo namang sumuko sa kapulisan ang pinaghihinalaan.