--Ads--

CAUAYAN CITY – Sugatan ang isang lalaki matapos tagain ng kainuman sa Barangay Muta, Kasibu, Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Joey Flores, Deputy Chief of Police ng Kasibu Police Station, sinabi niya na bago ang pangyayari ay nagkayayaan ang magkakaibigang sina Larry 39 anyos, Christian, 19 anyos, at Melvin na mag-picnic sa Runrunu, Quezon, Nueva Vizcaya.

Kinahapunan ay nagkayayaan ang mga ito na umuwi na at ituloy na lamang ang kanilang inuman sa isang tindahan.

Nang naparami na ang pag-inom nila ng alak ay napagsabihan ni Larry si Christian na maghinay-hinay lamang sa pag-inom dahil sa ugali nitong nag-aamok sa tuwing nalalasing.

--Ads--

Tahimik lang naman ang suspek na si Christian sa sandaling iyon at kalaunan ay umalis na sa lugar.

Makalipas ang ilang sandali ay bumalik sa lugar ang suspek na may dalang itak at nagtungo sa likurang bahagi ng biktima na si Larry at tinaga ito sa ulo tsaka dali-daling umalis sa lugar.

Agad namang isinugod sa pagamutan ang biktima na ngayo’y nasa maayos nang kalagayan.

Nagsagawa naman ng man hunt operation ang mga kapulisan dahilan upang madakip ang pinaghihinalaan at sa ngayon ay nahaharap na ito sa kasong frustrated murder.